CLICK AND ROLL

Modern Day Hippie.Trigger-Happy.Unpredictably Impulsive.Drinker of Coffee.And an Activist.

November 5, 2011 at 2:10pm

Home

Divisoria Diaries: Mula sa isang Promdi

Ako ay lumalagi sa isang probinsyang napapagitnaan. At kasama sa mga pangarap ko nang ako ay magkamalay na nang husto, ang makapunta ng Maynila. Bulong-bulungan sa amin ang lugar na Divisoria, nakilala ko sya na isang sentro ng mga mura pero me kalidad na mga bilihin. At minsang dumadayo sa rehiyon namin ang mga produkto nito. Kaya isinama ko na sa aking mga pangarap ang makapunta rito. 

Naganap nga, nang nagka-trabaho ang tatay ko sa Maynila at kami ay dinala sa mayor na lungsod ng Pilipinas, nung mga buwan ng taglamig. Inabot namin ang Divisoria at ako ay tuwang-tuwa sapagkat nagkaron ako ng bagong bag, sapatos at malong. Masaya ako nun kasama ang nanay at kapatid kong babae, ngunit sa kalagitnaan, napagod ako sa haba at lawak ng aming nilakad at narating. At sa mismong panahon na yun, sinumpa kong hinding-hindi na babalik sa matao, malapad at nakakatuksong Divisoria na ito. Kaya yun na yun, niyaya ko nang umuwi ang pamilya ko. Nakatulog ako agad pagdating sa tinutuluyan naming bahay; wala nang ligo o kahit toothbrush lang man. 

Pero hindi ko inakalang magku-krus muli ang aming landas. 

3 buwan mula ngayon, dito nako nakatira sa Maynila, nagtatrabaho. At nitong umaga lamang, habang lumalakas ang ulan at bumabaha na sa kanto namin, hinatid ko ang aking kuya sa Pier Dos sa Tondo, sapagkat sya ay uuwi na sa aming probinsya. Nagtrabaho sya sa Saudi kaya’t ilang maletang pangarap at kasawian ang dala-dala niya pauwi. Sigurado akong sabik na sabik na ang nanay naming mayakap siya. At nang nakasigurado na akong magiging matiwasay ang paglayag ng kuya ko, dun na rin nagsimula ang paglalakabay ko patungong Divisoria.

Sumakay ako sa kuliglig at hinabi namin ang binabahang daanan sa Tondo. Sabay ang takot at pagkamangha ko sa mga malalaking trak na humahawi ng daan kasama namin. Di ko mapigilang mainis dahil hindi ko dala ang lente ko, habang nagaganap ang mala-circus na tanawing ito. Nalalagpasan namin ang tinagpi-tagping mga barong-barong, mga paroo’t parito ng mga tao. Pero maingat nang hindi matalsikan ng kulay-lupang tubig ang mga binti ko, habang ang mga mata ay nasa nakakamangha pero masaklap na katotohanang ito. Pumara na ako at 60 pesos daw ang pamasahe, mula dun sa pier hanggang likod ng Divisoria. Masakit sa bulsa pero sige lang, umuulan naman at basang-basa na si kuya. Napatigil at napatingin akong muli sa malapad at magastos na misteryo ng lugar. Napangiti nalamang, heto muli ako, di sinasadyang mabisita ka. Di naman ako marahil importante, sapagkat marami pang tao ang sumasamba sa likas mong gamit sa kani-kanilang mga buhay. Nagpatuloy ako habang hinahawi ang putik at amoy ng mga tilapia, bangus, paa at laman ng baboy, sigarilyas, dugo ng manok at kung ano-ano pang sinisigaw at nilalako. Dumaan sa gilid ko ang tinatawag nilang ‘tika-tak boys’. Sila ay nagtitinda ng sigarilyo at kendi habang sinasayaw ang mga daliri sa tunog na tikatak, tikatak. Hanggang sa mas sumikip na ang pwedeng daanan at nagbabanggaan na ang kani-kaniyang mga balikat. Nag-aagawan ang mga tao sa mga tsinelas, prutas, relos at kung ano-ano pang mga buting-ting na tila guguho na ang mundo kinabukasan. Naalala kong, may dala pala akong bag kaya naging maingat muli habang patuloy na iniintindi ang kalakaran. Naisip ko nalamang, hindi ko inakalang bubukas at mahihimasmasan ako sa ganitong anggulo ng Divisoria. Hindi ko ito namalayan nang una kong makilala ang lugar. 

Pero heto sya, niyayaya akong mas yakapin ang hiwaga niya.

Narating ko ang pamilyar na dulo. Rumaragasang jeep na ang pambungad imbis na dagat ng mga tao. Uwian na muli, pero hindi ako nakaramdam ng pagod at inis. Walang katapusang pagkamangha at tuwa lamang hanggang ngayong sinusulat ko ang mga pangungusap na ito. 

Sa muling pagkikita.       

*Mga litrato ay mula sa Google Images :)

Notes

  1. adiksafilm posted this